By Ma. Luz Villegas, Nancy Sandig
Magandang araw sa inyong lahat! Kumusta kayo mga kababayan? Alam kong matinding hirap na ang nararanasan niyo ngayon, lalo na sa inyo aming mga mangingisda.
Hayaan niyo akong mag-umpisa sa isang maikling kwento: Noong bata pa ako, tandang-tanda ko pa, madalang lang kami makakain ng karne ng baboy at manok. Halos araw araw, mula umaga hanggang gabi isda lang ang aming ulam. Kami ay nabubuhay sa pangingisda ng aking ama. Hindi na bago sa akin ang kabahan tuwing aalis siya disoras ng gabi para pumalaot sa dagat. Bilang isang anak ng ng mangingisda naranasan ko ring makipagsapalaran sa dagat. Malalaking alon, madalang na isda at kung suswertehen ay aabutan pa ng malakas na ulan sa gitna. Napakahirap.
Sa mga nakakaranas ngayon ng kakulangan sa pera, bahay na ligtas at pwedeng masilungan sa oras ng kalamidad, pagkain na isusubo sa kumakalam na tiyan at pagmamaliit ng sariling bayan ramdam ko po ang inyong hirap sapagkat ako ay nanggaling din sa pamilyang gipit sa lahat. Kaya narito ako ngayon para tulungan kayong bumangon kahit dahan dahan lang.
Atin pong babaguhin ang pananaw ng mga madla sa pangingisda at mga kursong konektado sa pangingisda tulad ng BS Fisheries. Unti-unti po nating ipapaintindi sa kanila na tayo ay importante sapagkat tayo ay nasa bansang napapalibutan ng dagat. Atin din pong isusulong ang pagamenda na gawing departamento na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang magkaroon ng mas malaking badyet na matatanggap ang ating mangingisda. Importante na may mga tao na may sapat na kaalaman sa ganitong bagay upang mas mapag-aralan natin at mapaunlad ang ating lupang sinilangan.
Ako’y inyong suportahan sa pagtakbo bilang presidente. Sabay-sabay nating abutin ng unti-unti ang kaunlaran na ating minimithi, kaginhawaan sa pamumuhay at, suporta na ating kinakailangan mula sa mga mamamayang Pilipino at gobyerno.
MARAMING SALAMAT SA INYONG LAHAT.