Mula pa man noon, ang nais ng bawat isa sa atin ay ang maiangat ang kalidad ng pamumuhay sa ating bansa. Ngunit bakit tila ang hirap nitong makamit? Bakit hanggang ngayon marami pa rin ang lugmok at nasa laylayan? Saan ba tayo dapat magsimula?
Katulad ni Martin Luther King na may pangarap para sa kanyang kapwa itim, ako rin ay may pangarap para sa ating kapwa Pilipino at mahal na bansa. Sa pagkamit ng pangmatagalan at epektibong pagbabago, magsimula tayo sa pagtanaw ng pagkakaroon ng pangkalahatang pagunlad. Ang pagunlad na isinasalang-alang ang bawat sector sa lipunan at bawat aspeto na makakaapekto sa pagpapabuti nito. Bilang isang bansang arkipelago na nahahati sa iba’t ibang kultura at pagkakakilanlan, huwag na nating gawing hadlang ang ating mga pagkakaiba. Muslim ka man, Kristyano, Aeta, o Miyembro ng LGBTQ+, responsibilidad natin ang bawat isa. Ang hangad ko ay umangat tayo bilang isang Pilipinas. Nais ko na makaraos tayo sa pamamagitan ng inklusibo na paraan ng pagpapaunlad ng bayan.
Mainam at nararapat na patatagin natin ang Pilipinas sa aspetong pisikal, intelektwal at emosyonal sa pamamagitan ng pagpapabuti ng sistema sa mga programang pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan at pagtuon ng pansin sa emosyonal na pagpapayo. Mahalaga sa akin na ang bawat Pilipino ay malusog at may kakayahang manatiling malusog. Na ang bawat isa sa atin ay bukas na makapagpapahayag ng sarili na walang diskriminasyon. Na ang kabuhayan na maibibigay sa mga mamamayan ay hindi lamang pang anim na buwan kundi pangmatagalan. At higit sa lahat, na ang bawat indibidwal ay edukado hindi lamang sa teknikal na akademiya, kundi maging sa aspeto ng pagiging tao at pagiging Pilipino.
Mga kababayan, samahan niyo ako, kapit-kamay nating harapin ang mga problema ng bansa, kapit-kamay nating paunlarin ang bawat isa.
Matatag na Pilipino, Matatag na Pilipinas. Maraming Salamat.
Socorro Bay H. Sarabia
Joshua Steven C. Rose