by: Hazel Joy Nono and Myla Mae Pahamutang
Magandang gabi sa inyo, aking mga kababayan. May isang kasabihan tungkol sa pagiging isang lider, na siya ay may kakayahang makakuha ng kahanga-hangang katuparan mula sa mga ordinaryong tao. Kaya ngayong gabi, sana po ay ibigay niyo sa akin ang pagkakataong ito upang mapatunay na ako ay pwedeng maging taong iyon.
Ako po ay nagmula sa isang simpleng pamilya ngunit sadyang nahihirapan kami noon na matustusan ang pang-araw araw naming pangangailangan. Kumayod nang maigi ang aking mga magulang upang makapagtapos kaming lahat na magkakapatid at ito ay isang bagay na panghabang-buhay na aking pasasalamatan.
Kaya ako po ay naniniwala na ang mga karanasan ko ay makakapagbigay sa akin ng kakayahan upang malaman ang mga bagay na mas kinakailangan ng ating bansa, lalong lalo na ng ating mga kapatid na dumaranas rin ng kahirapan.
Kung ako po ay magiging presidente ng bansa, pagtutuunan ko muna ng pansin ang iba’t-ibang sektor ng ating gobyerno. Aayusin ko po muna ang mga sistema nila at sisiguraduhin kong maglalaan ako ng mga badyet na kinakailangan ng bawat departamento.
Kasama nito, unti-unti kong isasaayos ang ating ekonomiya. Isa tayo sa mga bansa na sadyang may pinakaraming natural na kayamanan ngunit marami dito ang nasayang sa mga nakaraang administrasyon. Ito po ay aking babaguhin. Sisiguraduhin ko po na sila ay magagamit at naibahagi ng maayos sa iba’t-ibang institusyon na nangangailangan. Pagtutuunan ko rin ng pansin ang pagtatatrabaho sa bansa. Titiyakin ko na ang bawat Pilipino ay may pantay na oportunidad upang makakuha ng trabaho at maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Marami pa akong plano na gusting tuparin sa ating bansa at kung ako ay magiging presidente sisikapin ko na lahat sila ay matutupad. Gaya ng sinabi ko, ako rin ay nakaranas ng kahirapan at hindi ko gustong pagdaanan din iyon ng mga susunod na henerasyon. Maraming salamat po.